Wednesday, March 5, 2008

si ruth.

Alas kwatro ng umaga.

Batid ko ang pagtunog ng alarm clock, ngunit gaya ng dati baliwala syempre. Sa sobrang pagod sa nagdaang araw at sa walang mapagsidlang antok dahil sa magdamag na pag-aaral, parang ang bawat laman na bumubuo sa aking katawan ay tumatangging gumising. Tila pati ang aking diwa ay sumisigaw ng lima pang minutong palugit mula sa magandang pagkakahiga.

Sabay bukas ng pinto, mga marahang yapak ang aking narinig at sa kamalas-malasan pa ay binuksan ang ilaw ng silid. Dama ko ang pagdaing ng aking mga puyat na mata sa silaw na dulot ng biglang pagliwanag.

“Bumangon ka na, baka mahuli ka sa klase mo. Lunes, matraffic.”

Tama, pamilyar ang boses. Sino ba naman ang hindi makakakilala ng tinig na yon sa aming tahanan. Ang boses na matiyagang nanggigising sa aming magkakapatid araw-araw, masusing tinitiyak na kami ay babangon at sisimulan ang paghahanda sa sarili para sa isa nanamang panibagong araw.

Sa puntong ito, alam ko, gising na ang aking pandinig.

Ngunit malupit talaga ang mundo. Sigurado namang bawa’t tao nakakaranas talaga ng katamaran paminsan. Ikaw ba naman, isang linggo kang nagkukumahog sa lahat ng mga gawain sa eskwela, pagkatapos, pagdadmutan ka pa ng pahinga kapag sabado at linggo. Mano ba namang huwag nang magbigay ng mga proyekto at riserts at kung ano ano pa na kumukuha ng lahat ng mga libreng panahon mo. Maksarili talaga ang pag-aaral ano? Kaya hindi naman siguro kalabisan ang matulog ulit. Bahala nang mahuli sa klase, kumpleto naman ang mga ipapasa ko eh, hindi naman siguro ako mapapagalitan nito.

Pero hindi, makulit talaga ang taong ito. Habang pa-amba pa lang ako na matutulog muli ay bigla nyang inalis ang kumot na nakubkob sa aking katawan. Ganun na lamang ang biglang paglamig ng pakiramdam. Nakakainis.

Ngunit sa isang sandali ay napawi ang pagkayamot nang marahang paghaplos niya sa aking mga pisngi. Ang kaniyang mga dampi, bagamat pilit na nangigising ay siya ring nagbibigay ng init na higit pa sa naibibigay ng pinakamakapal na kumot na makikita sa aparador ng aming tahanan. At sa ganun lamang, sa mga maiinit na haplos na iyon sa bawat araw ay nabubuhayan ang aking mga kalamnan.

Sa wakas, lumabas na ang taong makulit. Sa isip-isip ko, at least medyo makakatulog kahit man lang saglit. Nang nagsusubok akong muling kunin ang nawalang pagtulog, sabay pasok naman ng isang kaaya-ayang amoy na sadya namang nakaka-engganyong kumain. Sigurado akong galing yoon sa aming kusina na halos katabi lamang ng aking silid.

Sinangag na kanin, tinapa at piniritong itlog. Hindi ako maaring magkamali.

Sa tingin ko, hindi…sigurado ako na ito ay kagagawan nanaman ng parehong tao na kanina pa mapilit sa panggigising. Para ba kasing alam niyang hindi naming ito matatanggihan. Isa nanaman siguro sa kaniyang mga mapang-buyong taktika para ganap na kaming tumayo sa aming mga kama. Pero sa totoo lang, palagi, nais nya na bago kami aalis ng bahay ay busog ang aming mga tiyan. Ang mga lutuing ito, sampu ng lahat ng kaniyang mga masarap na handain sa araw-araw, ang siya namang gumigising sa aking pang-amoy at panlasa.

Sa wakas, nakaligo at nakapagbihis na rin. Parang wala talaga akong nagawa kahit na anong pilit kong pahabain pa ang aking pagpapahinga. Sa puntong ito hindi ko na talaga maitatanggi na panibagong araw nanaman ang haharap sa akin.

Kagaya ng iba pang umaga na late akong nagising ay mabilis akong nagbihis, inayos ang aking sarili at ang aking mga dadalhin. Walang kaabog-abog na binitbit ang bag, dali-daling lumabas ng kwarto at nagpaalam sa mga maiiwang kasambahay.

Paglabas ng pinto ay naroon nanaman siya, na sa panahong iyon ay nagsisimula nang magwalis-walis sa labas ng bahay namin. Masugid na tinitingnan ang paligid. Kagaya ng nakagawian na, magmamano at hahalik ng mabilis sa kanya. Syempre, kahit naman makulit siya at ubod ng dami ng bilin, hindi ko naman siya talaga matitiis. Minsan nakakainis, pero alam kong lahat ng gawa nya ay para sa amin.

“Huwag kang magpapagabi ha. Mag ingat ka.”

Halos eksakto lang ang pagdating ko sa sakayan. Sa totoo lang parang ako na lang ang iniintay dahil muntik na nga akong maiwan. Ako ang huling pasaherong nakasakay. Buti na lang talaga…

Sa kalagitnaan ng biyahe sinubok kong isipin kung nadala ko ba ang lahat ng dapat kong dalhin.

Notebook? check.

Project? check.

ID? check.

Wallet?

Wallet?!!

Anak nang! Sa lahat naman ng makakaligtaan ko ang pitaka ko pa! Napaka-makakalimutin ko talaga. At isa pa, kung maaga-aga lang kasi talaga ako nagising hindi ako magmamadali at hindi ako makakaiwan ng kahit ano.

Hay, malupit nga naman talaga ang mundo.

Syempre, hindi naman ako maaring mag 1, 2, 3 takbo sa jeep na sinasakyan ko. Hindi na uso ang ganoong istilo. Naisip ko na baka naman hindi ganoon kadamot ang tadhana kaya baka naman may mga naiwan pa akong barya sa bag ko. Kahit man lang pamasahe pauwi para balikan ang pitaka ko. Bali-wala din pala ang pagmamadali ko, late din ako.

Hala.

Pagbukas ng bag ko, parang isang milagrong tumambad sa aking mga mata na naroon ang wallet. Akalain mo nga naman.

Insip kong maigi kung nag-uulyanin na ba ako at hindi ko na maalala ang mga bagay na ginawa ko sa sandaling panahon pa lamang ang nakalipas. Pero hindi, sigurado akong hindi ko ito naipasok sa bag ko. Ngunit hindi na ko nagmuni-muni pa. basta’t ang importante narito sya, at siguradong aabot ako sa klase ng nasa oras.

Sa pagkuha ko ng pamasahe ay nagulat ako sa munting papel na nakasingit sa isa sa mga bulsa ng aking pitaka. Isang sulat, at malamang alam ko na kung kanino nanggaling. May mga ngiting nabuo sa aking labi, habang inaalala ko ang mga nakakatawang panahon na kung saan paulit-ulit syang nangungulit sa akin.

“Alam kong maiiwan mo to sa pagmamadali mo kaya pinasok ko na sa bag mo. Andyan na rin allowance mo. Ingat ka. Uwi ng maaga ha.”

Sabi na nga ba. Ang Mama talaga.

Sa puntong ito, alam ko, nagising na ang buong diwa ko.

***

para sa wala nang mas kukulit pa na si mama ruth, na may anak na ulyanin sa katauhan ko...dahil magaling na sya at gagaling pa.

No comments: